“Wikang Filipino ang siyang Pagkakakilanlan; daan tungo sa isang Nasyong Kasarinlan.”

Abakadaegahailamanangaoparasatauwaya,
ang ating alpabetong ating unang pinag-aralan,
alpabetong ating kinagisnan.

6574293331_1cd754020a_b
Alam mo ba?                                                                                                                        …na ang unang alpabetong Pilipino ay Alibata na may 17 letra. Ang Abecedario o Abakada ay binubuo ng 19 na letra pagdating ng Kastila nadagdag ang E at U. At noong 1971, pinagyamang alpabeto na may 31 letra, taong 1987 makabagong alpabeto na may 28 letra

 

           Ang unang pansariling wika na ginamit sa Pilipinas ay ang Tagalog, sapagkat ito ang wikang pinakamaunlad sa estruktura, mekanismo, at panitikan, at ito rin ang wikang ginagamit ng nakararaming mamamayan. Ngunit sa paglipas ng mahabang panahon, nagkaroon na ang Pilipinas ng opisyal na pambansang wika na tinawag na Pilipino, at hindi kalaunan ay tinawag itong Filipino.

      Nang nagkaroon ng kalayaan ang ating bayan mula sa mga kamay ng dayuhan, kasabay nito ang pagiging malaya sa paggamit ng sariling wika. Nagsimula ang paggamit ng wikang Filipino sa paggawa at pagsusulat ng mga batas, dokumento, at panitikan. Ito rin ay naging midyum ng opisyal na komunikasyon at ginamit na wika ng pagtuturo sa sistema ng edukasyon.

         Balikan natin ang mga panahon na kung saan tuwing ang mga Pilipino’y nagkakaroon ng malawakang pakikipagtalastasan, gumagamit sila ng malalalim na salita mula sa wikang Filipino. Makikita na lamang natin ang mga tula at nobelang ginawa ng mga makata at manunulat. Sila ang patunay na talagang pinahahalagahan at pinagyayabong ng mga Pilipino noon ang paggamit ng wikang Filipino. Dahil na rin sa paggamit ng sariling wika, nagkakaroon ng pagkakaisa ang bawat mamamayan sa Pilipinas. Kung maaari lamang ibalik ang takbo ng oras na kung saan ang wikang Filipino ay ginagamit ng lahat sa maayos na papamaraan at hindi nababago, sana’y bumalik ang lahat. Ngunit hindi natin mapaipigil ang pagbabago sa wika.

       Sa pag-andar ng panahon na kung saan ang mundo ay nagbabago, kasabay nitong umiikot sa kalawakan ang mga kaganapang nangyayari sa ating wika na kung saan ang mga salita ay isang arbitraryo. Ang mga pagbabago ay maaring makaapekto sa paraan ng ating pamumuhay. Ang pagbabago sa wika na kung saan ang mga salita ay nadaragdagan ngunit ang mga salitang ito ay hindi nababawasan, sapagkat sa panahon ngayon, ang mga kabataan ay nakakagawa o nakakapag-imbento ng mga salita.

         Katulad na lamang ng sumisikat na paraan ng pakikipagtalastasan ng mga kabataan ngayon, lalo na sa mundo ng internet, ay ang pagbuo ng mga salitang mayroon lamang iisang pagpapakahulugan. Hindi man ito ang ating nakagisnang mga salita, ang bawat isa, bata man o matanda, ay nakikipagsabayan na rin sa pagtanggap ng nagaganap na pagbabago sa ating wika upang magkaroon ng maayos na pakikipagtalastasan.

         Ngunit marami mang pagbabagong nagaganap, hindi pa rin naman nalilimutan ng bawat Pilipino ang pagpapanatili sa sariling wika. Tuwing buwan ng Agosto ay nagkakaroon ng pagdiriwang sa Pilipinas ng Buwan ng Wika.

Karaniwan itong ipinagdiriwang sa mga paaralan. Bilang parte ng pagdiriwang nito ay nagkakaroon ng mga kaganapan tulad ng pagkakaroon ng mga patimpalak. Ang mga paligsahang ito ay ang mga sumusunod:

  • sabayang pagbigkas,
  • balagtasan,
  • paggawa ng slogan at poster,
  • paggawa ng mga sanaysay,
  • pagbigkas ng mga tula,
  • pagsasayaw ng mga katutubong sayaw,
  • pag-awit ng mga katutubong awit,
  • paligsahan sa pagkamit ng korona bilang lakan at lakambini, at
  • iba pang mga paligsahan sa larangan ng panitikan.

        Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, iginugunita ang ating pagka-Pilipino, ang pagkakaroon natin ng sariling wika na walang takot na ipinaglaban ng ating Ama ng Wikang Pambansa na si dating Pangulong Manuel L. Quezon.

7fb10b298378416f2ae8f7c5d68797d6
https://i.pinimg.com/originals/7f/b1/0b/7fb10b298378416f2ae8f7c5d68797d6.jpg

    Hindi naman masama ang pagbabago dahil ito ay kakambal na ng ating wika. At isa pa, hindi naman ito lubusang nagbabago, ito’y nadaragdagan lamang. Kung kaya’t sa bawat pagbabagong nangyayari,  huwag nating kalimutan kung saan nagmula ang lahat. Kung paano nabuo ang ating wika na ngayon ay ating ginagamit at pinagyayabong. Dahil kung walang wika ang isang bansa, ang mga tao ay parang mga patay at walang pagkakaisang magaganap. Makapangyarihan ang ating wika kaya ito’y pahalagahan, at patuloy nating gamitin ang ating sariling wika dahil dito nagsimula ang pagkakaisa ng bawat Pilipino.

     Wika ang magsisilbing sandata sa mga hidwaan na nagaganap sa isang digmaan ng mga opinyon ng dalawang kampo. Kung minsa’y kailangan din ibaba ng dalawang kampo ang sandata ng salita upang magkaintindihan. Ang pangunahing layunin ng wika ay ang magkaroon ng pagkakaisa at maayos na pakikipagtalastasan na siyang magiging dahilan ng maayos na daloy ng usapan.

     Ang wika ay kaluluwa ng ating bansa at sagisag ng ating pagkakakilanlan. Kaya gamitin natin ang ating sariling wika dahil ito ang tanda na ikaw ay may pagmamahal sa sarili mong bansa kung saan ka sumibol at nagkaroon ng kaalaman sa mga iba’t ibang bagay.


Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.
-Gat Jose P. Rizal